POC pinaghahandaan na ang 2019 SEA Games
MANILA, Philippines - Apat na taon pa bago ang 30th Southeast Asian Games, ngunit ngayon pa lamang ay kumpiyansa na ang Philippine Olympic Committee na magiging matagum-pay ang pamamahala ng bansa sa biennial event.
“We can do it again,” sabi ni POC president Jose “Peping” Cojuangco sa pangangasiwa ng bansa sa SEA Games sa 2019 para sa ikaapat na pagkakataon matapos noong 1981, 1991 at 2005.
Noong nakaraang buwan ay nagpasa ang POC ng isang resolusyon para pormal na tanggapin ang alok ng SEA Games Federation na maging host ng 2019 biennial meet. Umatras ang Brunei na pamahalaan ang 2019 SEA Games dahil sa kakulangan ng tauhan.
“The POC has already accepted the SEA Games offer,” wika ni Cojuangco.
Ngayon pa lamang ay naghahanap na si Cojuangco ng mga gagamiting venues para sa mga sports events na nakalatag sa 2019 SEA Games.
“Although it’s still four years away, we will soon begin scouting the venues where we can best host each of the events especially the important and most popular ones,” wika ng POC chief.
Ilan sa mga venues na maaaring pagdausan ng mga events ay ang Rizal Memorial Sports Complex at ang Philsports bukod pa sa Philippine Arena ng Iglesia ni Kristo at ang Mall of Asia Arena. Nariyan din ang aqua-tics center sa Los Baños, Laguna at ang mga venues sa Tagaytay at Subic Bay para sa mga outdoor games.
Noong 2005 SEAGames ay ginamit na venue ang Cuneta Astrodome, Makati Coliseum, Marikina Sports Complex, Rosario Sports Complex, Manila Golf Club, PNSA Shooting Range, Pasig Sports Center, Alabang Country Club at ang The Country Club sa Canlubang. Ilang events naman ang ginawa sa Bacolod at Cebu.
- Latest