Pagbebenta sa L.A. Clippers pinayagan ng Superior Court Judge
LOS ANGELES – Nabigo si Los Angeles Clippers team owner Donald Sterling sa kanyang tangkang pagharang sa pagbebenta sa koponan niya sa halagang $2 bilyon kay dating Microsoft CEO Steve Ballmer.
Sa pagpayag na ituloy ang kasunduan, kinatigan ni Superior Court Judge Michael Levanas ang dating asawa ni Sterling na si Shelly na siyang nakipagkasundo para sa record sale matapos i-ban ng NBA ang 80-anyos na bilyonaryo dahil sa offensive remarks nito tungkol sa mga ‘black people’.
Pinamunuan ni Shelly ang pagbebenta sa prangkisa matapos malaman ng mga duktor na si Sterling ay may mga sintomas ng Alzheimer's disease at hindi direktang maaasikaso ang Clippers.
Sinabi ng judge na nakapagplantsa si Shelly ng magandang kasunduan at ang pagtatanggal sa kanyang asawa bilang co-trustee ay ginawa sa malinis na paraan.
Niyakap ni Shelly ang kanyang lawyer at lumuha matapos ipaliwanag ng judge ang kanyang desisyon.
“I can't believe it's over. This is the best thing,” wika ni Shelly.
Isang ‘unusual provision’ ng desisyon ng judge ang nagbabawal kay Sterling na kumuha ng court-ordered delay sa pagbebenta habang siya ay umaapela.
Plano ng kanyang mga abogado na makakuha ng permiso mula sa appellate court para magsumite ng apela.
Wala si Sterling sa korte nang ibaba ang desisyon.
Bukod sa pagba-ban, pinatawan din ng NBA si Sterling ng $2.5 milyong multa dahil sa kanyang racist remarks.
- Latest