‘Pacman’ pinanood ang Knicks-Trail Blazers game

MANILA, Philippines - Isa siyang marubdob na tagahanga ng NBA team na Boston Cel­tics.

Ngunit isa rin sa mga paboritong NBA player ni Man­ny Pacquiao ay si Carmelo Anthony ng New York Knicks.

Kaya naman sa kanilang promotional stop ni Ti­mo­thy Bradley, Jr. sa New York City ay sinamantala ni Pacquiao ang pagkakataong mapanood si Anthony sa aksyon.

Kasama ng kanyang Canadian adviser na si Michael Koncz, sinaksihan ni Pacquiao ang laro ng New York Knicks at ng Portland Trail Blazer sa Madison Square Garden noong Lunes ng gabi.

Pinalakpakan nang husto ng mga NBA fans ang Fi­lipino world eight-division champion nang ipakita ang kan­yang mukha sa higanteng Jumbotron.

Tinalo ng Trail Blazers ang Knicks, 94-90.

Si Pacquiao ay nakapanayam ni Jill Martin ng MSG Network sa halftime.

Pinuntahan ni Pacquiao ang dugout ng Knicks kung saan siya nagpalitrato kasama si Anthony na bi­nig­yan naman ang Sarangani Congressman ng isang bo­­la na may pirma niya.

“I am looking forward to fighting here at Madison Square Garden and I like it here,” wika ni Pacquiao. “Hopefully soon.”

Nakatakdang hamunin ni Pacquiao (55-5-2, 38 KOs) si WBO welterweight king Timothy Bradley, Jr. (31-0-0, 12 KOs) sa isang rematch sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

 

Show comments