CEU nakahirit ng do-or-die para sa NAASCU title

MANILA, Philippines - Dadaan sa do-or-die game ang 2013 NAASCU men’s basketball Finals matapos manalo ang Centro Escolar University sa St. Clare College of Caloocan, 67-59, sa Game two kahapon sa Makati Coliseum.

Sa ikalawang yugto nagsimulang lumayo ang Scorpions at napanatili nila ang pag-arangkada hanggang sa matapos ang labanan upang itabla ang best-of-three series sa 1-1.

Si Jason Opiso ay mayroong 13 puntos habang sina Rodriguez Ebondo, Samboy de Leon at Joseph Sedurifa ay nagsanib sa 31 puntos.

Isang 12-4 palitan sa unang limang minuto sa second period ang nagbigay ng 29-12 kalamangan at hindi na nakaahon pa ang St. Clare dahil nawala ang kanilang team work na ipinakita nang manalo sa Game One.

Ang deciding Game Three ay paglalabanan sa Lunes sa Makati Coliseum.

 

Show comments