Ateneo Lady Spikers pasok sa q’finals

MANILA, Philippines -Gumana  ang mga laro nina Fille Cainglet at Rachel Ann Daquis para ipasok na ang Ateneo sa quarterfinals sa pamamagitan ng 25-17, 25-16, 25-17, panalo sa Letran sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tig-13 puntos ang ginawa nina Cainglet at Daquis at nagsanib sila sa 19 sa 42 kills na ginawa sa laro upang manalo matapos lamang ang 70 minutong aksiyon.

May 4 aces si Caing-let habang 2 blocks ang ginawa ni Daquis at ang Lady Eagles ay kumubra ng kanilang ikatlong sunod na panalo para makaabante na sa susunod na round sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

May 6 pang digs si Cainglet habang 20 excellent sets ang ibinigay ni Jam Ferrer upang itulak ang Lady Knights sa 0-2 karta.

Nagtrabaho ang Thai import ng Letran na si Patcharee Sangmuang sa kanyang 16 puntos, mula sa 14 kills at 2 blocks pero wala siyang nakatuwang upang mabigo  ang Letran.

Pinalakas naman ng Arellano ang paghahabol sa puwesto sa susunod na yugto sa Group B matapos ang 25-18, 25-19, 25-27, 26-24, panalo sa NCAA champion na Perpetual Help sa ikalawang laro.

Sina Nerissa Bautista at Mary Jean Balse ay nagtala ng tig-19 puntos at nagtambal sa 32 sa 56 attack points para katampukan ang panalo.

 

Show comments