Baguhang Hogs Breath Cafe nakasilat

MANILA, Philippines - Nakahuli ng malaking isda ang baguhang Hogs Breath Café nang sorpresahin ang dapat ay inspiradong Big Chill, 69-63, sa pagpapatuloy kahapon ng PBA D-League Foundation Cup sa The Arena sa San Juan.

Hindi nakaiskor ang Superchargers sa huling tatlong minuto habang ang Razorbacks ay nagpa-kawala ng siyam na sunod na puntos para makabawi mula sa 55-81 pagkakadurog sa kamay ng bagito ring Jumbo Plastic.

“Maganda ang depensa namin at nag-settle na ang mga bata,” pahayag ni coach Joel Jabar na naglaro ng isang taon sa San Beda.

Si Kevin Racal uli ang kumamada para sa bagong koponan sa naitalang 21 puntos. Anim na sunod na puntos ang kanyang ibinagsak matapos ibigay ni Janus Lozada ang 63-62 bentahe sa Superchargers na patok na manalo bunga ng 86-77 panggugulat sa 4-time defending champion  na NLEX Road Warriors.

Tinuhog ng Fruitas ang ikalawang sunod na panalo gamit ang 75-72 tagumpay sa Cebuana Lhuillier sa unang laro.

Nakuha ng tropa ni coach Nash Racela ang panalo kahit napag-iwanan sila ng 22 puntos (40-62) may  3rd quarter.

Show comments