Pangalawang Anino (473)

NASA GITNA si Arturo.

Nasasaksihan ang laban ng kapangyarihan.

Ng kabutihan at kasamaan.

Ang mga apoy mula sa mga mata ni Yawan ay hindi makakalapit kay Nanette.

Dahil isang umiilaw na krus ang bigla na lamang lumitaw at lumalaban sa apoy.

Itinutulak nito palayo ang apoy, pabalik kay Yawan.

Todo-lakas na ang ginagawa ni Yawan para matalo ang puwersa ng krus na kay puti ng liwanag.

Pero wala siyang magawa. Hanggang sa nanghihina na siya.

Hanggang sa nawalan ng malay at bumagsak na lang sa sahig.

Nabahala si Nanette nang makita ang nangyari sa kapatid. “Yawan!”

Takbo kaagad si Nanette kay Yawan na bumagsak. Pati si Arturo ay dumalo.

“Yawan?”

Pinakinggan ni Nanette ang puso ni Yawan.

At pinulsuhan din ito.

Hindi humihinga si Arturo sa paghihintay. Buhay pa ba si Yawan o namatay.

Nakahinga naman nang maluwag si Nanette. “Sa­lamat sa Diyos at buhay pa siya, Arturo.”

“Ano ang gagawin natin? Tiyak na galit pa rin siya paggising niya. At hindi siya titigil hanggang hindi ka niya matatalo.”

May pasya nang nabuo si Nanette kanina pa. “Dadalhin ko siya sa bundok na banal. Nandodoon si Yawanaya at si Tita Alona.”

“Pagsasamahin mo ang tatlong puwersa ng kasamaan?”

Ngumiti si Nanette, puno ng pag-asa. “May nangyayaring maganda sa bundok na banal, alam ko. Kaya doon muna si Yawan.”

“Hindi kita masasamahan? I mean, paano ba ang pagpunta roon?”

“Puwede kang sumama. Sige, kumapit ka lang sa akin, Arturo.”

Ganoon nga ang ginawa ni Arturo, kumapit sa kamay ni Nanette. At hinawakan naman ni Nanette sa braso ang wala pa ring malay na si Yawan.

Nabigla na lamang si Arturo sa nararanasan. Para silang lumilipad sa ulap, silang tatlo.

Nasa gitna nila ni Yawn si Nanette. Nararamdaman ni Arturo ang pag-andar ng kanilang mga katawan.

Itutuloy

Show comments