Island of the undead 48

TUTOO ang pahayag ni Duktor Larry kina Miley at Blizzard tungkol sa kinaroroonang isla ng mga Undead. “We are surrounded by water, napaliligiran tayo ng mga dagat!”

Ibig sabihin ng surgeon, next to impossible ang pagtakas mula sa isla.

“Puwera na lang kung makakasakay uli tayong lahat sa karuwaheng lumilipad—‘yung hila ng kabayong merong pakpak...”

Umiling si Miley. “Inalis na po ng reyna ang karuwaheng iyon, Doc Larry. Bago pa man siya nagpasyang magpaopera.”

Bumagsak ang balikat ng mag-asawang surgeons, sa tindi ng panlulumo. Ang tangi nilang pag-asa ay wala na pala.

“Meron naman po siguro kayong cell phones?”  magalang na usisa ni Miley. “Makahihingi po kayo ng tulong sa kabihasnan, di po ba...?”

Sunud-sunod ang iling ng surgeon. “Useless dito ang cell phones. Walang cellsite sa malapit...”

“Meron pa po kaming  balsang pantawid-dagat, doc, doctora... kakasya po tayong apat! Hangga’t unconscious si Reyna Coreana ay hindi niya mapipigil ang ating pagtakas!”

Sumilay ang kon­ting pag-asa ng ­mag-asawang surgeons.

“Yes, bakit nga ba hindi natin i-try?  Mas mabuti  nang lumalaban tayo sa panganib kaysa mamatay dito nang dilat!”

Tinapunan ng tingin ng duktor ang reynang pinakukuluan sa kawa.  Tulog na tulog pa rin ito.

Pero paano ba nila tatakasan this time ang nakabantay na mga Undead?

Isa pa, makatao ba sa tulad nilang mga duktor na iwan na lang sa alanganin ang kanilang pasyente?

Nanaig ang pusong mamon ni Dok Larry. “Hindi ko kayang iwan ang reynang nasa kawa...

“Tumuloy na kayo sa pagtakas, isama ang aking misis...”

Luhaan ang ginang. “Kundi lang sa maliliit pa nating anak, hinding-hindi kita iiwan dito. Larry.”  

Nagyakap at naghalikan ang mag-asawa. Nakatunghay ang mga Undead, nagtataka kumbakit nagdidikit ang mga bibig ng dalawang tao. (ITUTULOY)

Show comments