‘Sinner or saint (3)

PALIHIM na ininiksyunan ni Generoso ng lason si Mang Juan. Sa diwa ni Generoso, nagpasalamat ang ghost image ng 90-year old cancer patient sa pagpatay niya dito.

Mapanganib ang kabaliwan ng mayamang binatang may maawaing puso.  “Kailangan pa ako ng maraming naghihirap sa sakit…”

Kailangan din daw siya ng mga nagugutom na aso at pusa sa lansangan.  “Hayun, Poldo, bibigyan ko ng pagkain. Itabi mo.”

Ihininto ng personal driver ang sasakyan ni Generoso. May dala nang pagkaing nasa styrofoam si Generoso. Sinundan ang asong super-payat at ginagalis, halatang ilang bulate na lang ang hindi nakapirma sabi nga.

“Tuuu! Tuuuuu!  Heto’ng pagkain mo! Tuuuu!”

Siguro ay naamoy ng aso si Generoso, alam na ito’y maawain sa hayop. Lumapit ang aso.

Masarap ang pagkaing dala ni Generoso. Sa unang pagkakataon ay nakatikim ng adobong baboy at mainit na kanin ang asong gala.

Sarap na sarap itong kumain, halatang gutom na gutom,  patingin-tingin kay Generoso.

Si Mang Poldo ay nakamasid. Alam na nito ang susunod na gagawin ng among maawain.

“Maaawa si Boss Generoso, tatapusin ang paghihirap ng asong gala. Sumalangit nawa.”

“Ubusin mo ang kanin at adobo, doggie. Iyan ang iyong huling hapunan. Dapat ka nang guminhawa…habampanahon.” Pabulong na nagsasalita si Generoso sa aso.

Minasdan niya ang estado ng aso. Ito ay halos buto’t balat, ginagalis, ang mga tenga ay malutong na,  parang mapipigtal anumang sandali, pinagpi­pistahan ng mga pulgas.

Genuine ang awa ni Generoso sa aso, parang binibiyak ang kanyang puso sa habag.

Mayamaya’y tumingala siya sa langit. “Lord…sesentensiyahan ko na po  ang asong ito. Kaila­ngan.”

Pasimpleng inilabas ni Generoso ang dalang baril. May silencer iyon, ewan kung lisensiyado.

Napatingin kay Generoso ang aso, inosenteng inamuy-amoy ang dulo ng baril na nakaumang.

Tsud. Tsud. Bumuga ang sandata. Patay agad ang aso. (ITUTULOY)

Show comments