Mas solidong routine target ni Yulo para sa Paris
MANILA, Philippines — Mas matikas at solidong performance ang target ni world champion Carlos Edriel Yulo para sa Paris Olympics.
Maganda ang ipinamalas ni Yulo sa World Cup Series sa Doha, Qatar. Ngunit hindi pa ito kuntento.
Kaya naman wala itong balak huminto upang mas lalo pang maging pulido ang galaw nito para sa 2024 Paris Olympics sa Hulyo.
“Marami pang kailangang ayusin para mas maging maganda ang performance ko sa Paris Olympics,” ani Yulo.
Sumungkit si Yulo ng gintong medalya sa men’s parallel bars habang nakapilak naman ito sa men’s vault event sa Doha Leg ng World Cup Series.
Nagawa ito ni Yulo na wala si Japanese coach Munehiro Kugiyama.
Sa kasalukuyan, all-Filipino ang coaching staff ni Yulo.
Bukas ang pintuan ni Yulo sa posibilidad na muling magkaroon ng foreign coach.
Subalit kuntento na rin ito na kasama sina coaches Aldrin Castañeda at Hazel Calawod na katuwang nito sa pagpaplano sa kanyang performance.
Sa ngayon, ikinakasa na ni Yulo ang magiging performance nito para sa Paris Olympics.
- Latest