Maine, sinagot ang pang-iisnab!
Pumalag si Maine Mendoza sa isang blind item na may isang TV host na mataray at suplada na diumano ay siya ang tinutukoy.
Tinutukoy ang isang TV host na babae na nang-snob daw at nagtaray sa isang fan na lumapit sa kanya para nakipag-selfie sa isang show.
Sa takbo ng mga usapan, isang host ng Eat Bulaga iyon dahil may nababanggit na segment ng show na diumano ay sinalihan nila.
Mabilis namang sumagot ang netizens na si Maine Mendoza raw iyon dahil nagkaroon din sila ng ganoong karanasan. Siyempre sinabi naman ni Maine na wala siyang ginagawang ganoon.
Wala naman tayong nasaksihan sa mga pangyayaring kanilang binabanggit. Mahirap nating sabihin kung ano ang totoo.
Minsan naman nangyayari ang ganyang mga bagay nang hindi sinasadya. Live show sila, at hindi mo alam ang susunod na mangyayari. Mukha lang silang walang iniintindi dahil nasanay na sila sa ganoong trabaho, pero ‘yung bigla kang tatawagin sa main set, nakakataranta rin naman talaga at hindi dapat pagsabihan ng suplada o mataray ang isang artista dahil sa mga nangyayaring ganoon.
Minsan may nangyayaring hindi maganda pero hindi naman kayo kailangang magalit agad sa mga artista dahil naroroon sila at nagtatrabaho. Hindi bahagi ng kanilang trabaho ang pakikipag-selfie sa fans, ginagawa lang iyan bilang pakikisama.
Nanay ni Sarah, mahilig sa plastic!
Katakut-takot na bashing ang natanggap ni Esther Lahbati, ang nanay ng female star na si Sarah Lahbati, nang makita ito sa isang internet post na gumagamit ng plastic container para sa mga pagkain.
Siguro ang naisip nila, mukhang cheap naman ang gumamit ng mga plastic container para sa pagkain. At ano ang masama sa paggamit ng plastic?
At saka teka, ano ba ang pakialam ninyo kung gumamit ng plastic si Esther Lahbati, eh hindi naman para sa inyo ang pagkaing iyon?
Heart, namali sa kaibigan
Isang kaibigan pala ni Heart Evangelista ang nangahas na turukan ang kanyang labi upang lagyan ng lip filler. Hindi naman daw doktor iyon, may experience lang. Namaga ang lips niya at sinabi niyang hinding-hindi na siya uulit sa ganoong sistema.
Uy nangyayari talaga iyan ha, minsan may mga kaibigan tayo na magyayabang na kaya ko na iyan. Eh kung hindi naman doctor at hindi lisensiyado at nagkamali nga, ano ang magagawa mo? Kung hindi tama ng nagamit o sumobra ang isinaksak, papaano mo hahabulin?
Kung may mangyaring aberya magdemanda man kayo, maibabalik pa ba ang nawala sa inyo?
Gay actor, ‘di mapigilan ang kaligayahan sa bagets
“Hindi naman ninyo maibibigay ang kaligayahan ko kaya huwag na ninyo akong pakialaman” sabi ng isang gay actor sa kanyang mga kaibigan na pumunang obvious na ang kanyang relasyon sa isang bagets at baka nga niloloko lang siya noon.
“Kung niloloko man niya ako, problema ko na iyon basta ibinigay niya ang kaligayahan ko at binabayaran ko naman siya para sa kanyang serbisyo. Ako na ang bahala kung sumobra man siya o hindi basta hindi ako magpapaloko nang todo sa kanya,” matigas pang sabi ng isang gay actor.
- Latest