Tatlong aparador na ang koleksiyon, Direk Joel ayaw na ng award! Pelikula nina Angeline at Jake next year na ilalabas!
Wala pang planong magretiro si Joel Lamangan sa paggawa ng pelikula. Hindi rin daw siya insecure sa mga baguhang director ngayon.
Pagmamalaki ng director, siya ang kauna-unahang director na nabigyan ng recognition sa abroad, ang Cairo International Film Festival nu’ng ipalabas ang The Flor Contemplacion Story ni Nora Aunor.
Eh ano ang masasabi niya sa mga gawa ng bagong directors?
“Quite impressive! Mahusay sila, ‘yung mga bata. Hindi sila natatakot sa kung anuman ang gusto nilang sabihin. Ano ang gusto nilang ipakita. Kasi nga independent sila. Walang producer na dumakdak sa kanila kung ano ang gusto nilang ipalabas. Kung ano lang ang gusto nila.
“Kami noon, may producer. Sila wala. Sarili nila,” rason ni Direk Joel nang magkita kami sa opening ng Kusina Loka ni Jackie Woo sa Centris Walk sa QC.
Box-office na ang gusto ngayon ng director. “Ang dami ko nang awards. Tatlong aparador na! Ha! Ha! Ha! Totoo naman eh,” diin niya.
Nami-miss niya ang paggawa ng glossy movie. Noon daw kasi, kapag glossy, may laman ang pelikula.
“Ngayon, pare-pareho na ang laman! Nakita mo na. Kahit nasa mainstream, lahat nakita mo na. Parang pare-pareho,” katwiran ng premyadong director.
Hindi pa siya magri-retire? “Bakit pinagre-retire ninyo na ako. Madami pa akong gustong gawin,” sey niya.
Katatapos lang gawin ni Direk Joel ang Foolish Love ng Regal. Bida rito sina Jake Cuenca, Angeline Quinto, Tommy Esguerra at Miho Nishida. Second time niya nang makatrabaho si Angeline sa pelikula.
“Ang galing-galing niya. Para siyang si Maricel Soriano sa movie!” deklara ni Direk Joel.
Anyway, hindi na matutuloy ang showing ng Foolish Love sa November 30. Mas minabuti ni Roselle Monteverde na next year na ito ilabas nang mapaghandaan ng todo ang promotions ng movie.
Pinoy celebs ipon pa more para sa Coldplay concert!
Darating sa bansa ang paboritong foreign rock band ni Maine Mendoza, ang Coldplay upang magkaroon ng concert next year sa April 4, 2017, ayon mismo sa Facebook page ng nasabing banda.
Ang rock band na ito ang nagpaiyak kay Maine nang mapanood niya ito ng live sa Rose Bowl Stadium sa Los Angeles, California last August kasama ang Eat Bulaga bosses.
Palibhasa sikat na grupo kaya mahal ang ticket, huh! Kaya ipon pa more ang ilang celebs na atat ding mapanood nang live ang Coldplay sa concert nila rito kahit wala pang venue, huh!
Watch ka ba, Ateng Salve, ng Coldplay? (Mas mura ang tickets sa Seoul and Singapore tito. Hahaha. – SVA)
- Latest