Superstar na title hindi pag-aari ni Nora!
Teka muna, sino ba ang nagsasabing hindi dapat na tawaging superstar si Maine Mendoza, eh totoo namang sa panahong ito, siya ay naging isang phenomenon.
Sumibat ang kanyang popularidad na siguro nga ay ni hindi inakala ng kanyang handlers na mangyayari. Ang publiko ang nagsabi na si Maine ay isa na ngang superstar.
At bakit sinasabing wala siyang karapatang gamitin ang titulong iyon? Mayroon bang may ari ng nasabing titulo? Iyang salitang superstar ay “generic word”. Walang nakakaalam kung sino ang nagsimulang gumamit ng salitang iyan, bagama’t ang salitang “superstar” ay sumikat kasabay ng kantang Jesus Christ Superstar na ginawa ni Andrew Lloyd Webber noong 1970. Matapos iyon, marami na ang gumamit o nakigamit ng salita.
Ganoon pa man, hindi masasabing si Lloyd Webber din ang nagsimulang gumamit ng salitang iyan. Sinasabing ang unang gumamit ng salitang superstar ay ang manunulat na si Frank Patrick at ang tinutukoy niyang superstar ay ang hockey player na si Cyclone Taylor at iyan ay noon pang 1920.
Iyang superstar ay ginawa na ring title ng isang pelikula noong 1999, at maging ang evangelist na si Billy Graham ay tinawag din nilang superstar.
Kung pagbabatayan mo iyan, sa kasaysayan ay marami na ang tinawag na superstar noon pa man, kaya nga mali ang sinasabi ng ibang “nag-iisang superstar” dahil hindi pa sila tao, generic word na ang superstar at ginagamit na iyan.
Ang mga artistang sumikat nang higit kaysa sa karaniwan ay tinatawag na ngang superstar, dahil ang karaniwang artista ay tinatawag nilang “star”. Iyan ay kasabay pa sa pagsisimula ng tinatawag nilang “star system” sa Hollywood.
Ngayon, bakit may mga nanggagalaiti kung tinatawag na superstar si Maine Mendoza? Hindi ba nakapagrehistro siya ng mataas na ratings na hindi inabot ng sinumang star na nauna sa kanya? Madalas na trending siya sa social media na hindi naman nagawa ng iba? Tingnan ninyo, hindi ba’t mahigit na tatlong milyon ang following niya sa Twitter at mahigit na isang milyon pa sa Instagram.
Sabihin ninyo, sino sa mga nanggagalaiti riyan ang may ganoon kalakas na following ngayon?
Hindi natin pinag-uusapan dito iyong tatlo o apat na dekada nang nakaraan. Ang pinag-uusapan natin ay iyong ngayon.
Kung noon masasabi ngang walang karapatan si Maine, siguro tama sila dahil ni hindi pa nga tao si Maine noon. Hindi pa siya ipinapanganak noong panahong iyon. Ngayong nariyan na siya ay nakita naman natin ang kanyang popularidad, bakit naman may mga nanggagalaiti pa?
Dinadaan nila sa pagba-bash. Sinasabi nila hindi raw maganda si Maine. Bakit iyan ba namang mga nangba-bash na iyan eh ano ang hitsura?
Palagay namin walang sino mang tao ang may karapatang magsabi na pangit ang iba, maliban na lang kung talagang nakapakanda rin niya.
Kaya hindi lang si Nora Aunor ang may karapatang tawaging superstar. Puwede kahit sino basta may basehan.
- Latest