Kung sinipa sa pulitika Roderick pwede pa ring takbuhan ang showbiz
Hindi na namin babanggitin ang iba dahil hindi naman sila taga-show business. Pero kasama ang ilan pang opisyal ng gobyerno, pinaalis bilang konsehal ng Quezon City ang actor na si Roderick Paulate dahil sa diumano ay pagkakaroon niya ng mga “ghost employees” noong panahon ng kanyang panunungkulan. Ang masakit pa roon, hinatulan siya ng habang buhay nang hindi makapaglilingkod sa anumang public office. Inalis pa ang lahat ng kanyang benepisyo bilang isang naging public officer.
Sa lahat ng napakasakit na pangyayaring iyan, ang isinagot lang ni Roderick ay, “lalabas din naman ang katotohanan”. Iyon lang naman talaga ang kanyang maisasagot. Pinagbintangan siya ng ganoon, inilabas na naman niyang lahat ang kanyang hawak na ebidensiya na nagsasabing hindi totoo ang bintang, pero ang naging desisyon pa rin ng Sandigang Bayan ay guilty siya. Maaari siyang umapela sa mas mataas na hukuman, pero ang naging desisyon niya ay umasa na lang na “lalabas din ang katotohanan”.
Matagal na naming kilala iyang si Roderick. Kabiruan din naman namin iyan lalo na noong panahong co-host pa siya ni Vilma Santos sa TV noon. Hindi namin alam kung ano ang naging mga pagbabago sa buhay niya dahil hindi na namin siya nakausap simula nang pumasok siya sa pulitika. Pero ang alam namin, kahit na nga busy sa Batangas, inendorso pa rin siya ni Ate Vi. Sa pagkakakilala namin sa kanya, matinong tao naman iyang si Roderick. Kung bakit sinasabi ngayong nasasangkot siya sa ganoong anomalya sa gobyerno ay hindi rin namin matindihan nang lubusan, kaya siguro nga kagaya rin ng nasabi niya, darating ang panahon na lalabas din naman ang totoo.
Pero hindi mo naman masasabing end of the line iyan para kay Roderick. Isa siyang mahusay na actor, at kung hindi na nga siya puwede sa pulitika, palagay namin sa show business ay tanggap na tanggap pa rin siya. Alalahanin ninyo, iyang mga roles na ginagawa ngayon ng mga sinasabi nilang box office stars, nagawa nang lahat iyan ni Roderick noong araw.
Milyones na tweets naglaho na AlDub nakakasulasok na?!
Hinalikan na ni Alden Richards si Maine Mendoza. Kung noong araw nangyari iyan, mabilis mong masasabi na siguro umabot sila sa pitong milyong audience dahil lamang diyan. Ilang milyong tweets kaya ang katapat noon?
Ilang milyong viewers din kaya ang magkakaroon ng interest na paulit-ulit iyong panoorin sa YouTube? Pero ngayon, maliwanag na hindi na ganoon.
Maaaring magbigay sila ng kung anu-anong dahilan, pero isa lang ang nakikita namin, over exposure at siguro nga maling handling.
Talaga namang hot issue sina Alden at Maine, pero iyong nangyari naman kasi, simula madaling araw hanggang hatinggabi sila na ang laman ng mga news programs sa TV. Sa loob ng anim na buwan, nabilaukan ang publiko sa lahat ng naglalabasan sa telebisyon at maging sa social media.
Hindi naman siguro masasabing nagsawa na ang mga tao, nabulunan lang.
Ganyan kasi ang maling ugali ng mga Pinoy.
Natatandaan namin noong araw, nauso iyong hot pandesal, aba anim na kapitbahay namin nagtindang lahat ng hot pandesal.
Nauso ang lechong manok, mga limang kanto yata sa may amin may nagtitinda ng lechong manok. Hindi rin tumagal iyon. Kasi nga masyadong naging common. Masarap naman ang hot pandesal, lalo’t kasabay ng mainit na kape.
Masarap din ang lechong manok, lalo na’t sinuksukan ng dahon ng tanglad. Pero dahil nagkaroon nga ng over supply, nasulasok din ang mga tao.
Sa show business nangyayari rin iyan. Mayroon tayong tinatawag na saturation point. Iyan ang hindi alam ng mga baguhan ngayon kaya sige lang sila nang sige.
- Latest