Obsession buo ang pagpapalabas ng mga episode

MANILA, Philippines - Simula mamaya ay babaguhin ng TV5 ang mukha ng primetime television sa pilot episode ng kanilang hour-long Thursday drama na Obsession.

Pagbibidahan nina Marvin Agustin, Martin Escudero, Neri Naig, at Ms. Bianca King, ang Obsession ay iikot sa kuwento ng isang babaeng hahamakin ang hangganan ng pag-ibig para sa kanyang kahibangan.

Sa kanyang unang proyekto sa TV5, gaganap si Bianca King bilang Vanessa, isang bagong katauhang nilikha ng sikat na cosmetic surgeon na si Dr. Ramon Mendoza (Marvin Agustin) para kay Bernadette (Neri Naig). Ang dating mahiyain at insecure na si Bernadette ay magiging si Vanessa na confident, sexy at kahuhumalingan ng lahat. Bilang Vanessa, determinado siyang maghiganti sa kanyang manlolokong ex-boyfriend na si James (Martin Escudero) sa pamamagitan ng pagpapa-ibig muli sa lalaki. Pero handa na ba siya sa mga kapalit ng kanyang obsession?

Directed by Direk Jay Altarejos, kakaiba ang Obsession sa mga traditional 30 minute dramas dahil weekly at hour-long ang pagpapalabas dito. Mas napagbubuti ang serye at hindi nabibitin ang mga manonood dahil buong kuwento ang napapanood nila linggu-linggo kada episode.

Mapapanood ang Obsession simula mamaya, 8 p.m. sa TV5!

Show comments