EJ mainit ang pagbabalik, tumalon ng ginto sa Sweden
MANILA, Philippines — Magarbo ang pagbabalik ni Tokyo Olympics veteran Ernest John Obiena matapos masungkit ang gintong medalya sa Taby Stavhoppsgala 2022 na ginanap sa Taby, Sweden.
Nairehistro ni Obiena ang impresibong 5.92 metro — ang kanyang season best — upang masiguro ang gintong medalya sa men’s pole vault competition.
Dikit ito sa personal best at current Asian record na naitala ni Obiena noong nakaraang taon.
Sinubukan ni Obiena na makuha ang 6.01 metro subalit bigo ito sa kanyang pagtatangka.
Pinataob ni Obiena si 2016 Olympic champion Thiago Braz ng Brazil na nagkasya sa pilak matapos magtala ng 5.82 metro habang pumangatlo naman si Simen Gutormsen ng Norway na may 5.72 metro na nakuha.
Nagpasalamat si EJ sa dalawang Pinoy na sumuporta sa kanya sa Sweden.
“To the 2 #kabayan who came and watched and even asked if I want any water or energy drink, ramdam ko po ang pag-mamalasakit ninyo. Maraming salamat po,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Ito ang unang torneo ni Obiena matapos tamaan ng coronavirus disease (COVID-19) kamakailan dahilan para hindi ito makapagpartisipa sa dalawang malaking torneo kabilang na ang 2022 Wanda Diamond League sa Paris, France.
Sunod na sasabak si Obiena sa Sweden Leg ng Diamond League na gaganapin sa Stockholm.
- Latest