SEAG Philippine Team mas mabuting may booster shot-- Fernandez
MANILA, Philippines — Bagama’t hindi nire-require ng Vietnam organizers sa mga atletang sasabak sa 31st Southeast Asian Games ang booster shot ay mas maganda nang mayroon nito ang mga miyembro ng Team Philippines.
Kakausapin ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at Chef De Mission Ramon Fernandez si Philippine Olympic Committee (POC) president at Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino para sa booster shot ng mga atleta.
“All our athletes have been vaccinated already,” wika ni Fernandez. “So we’re hoping na ma-work out din ni Cong. Bambol na mabigyan din sila ng booster.”
Inaasahang hihili-ngin ni Tolentino sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mabigyan ang national delegation ng booster shot bago ang Vietnam SEA Games na nakatakda sa Mayo 12-25.
Katuwang ang IATF ay napaturukan na ng POC ang mga national athletes na magdedepensa ng overall championship sa Vietnam SEA Games.
Inihayag kamakailan ng Vietnam SEA Games organizers ang kanilang ipapatupad na “no vaccine, no entry” policy para sa pagdaraos ng nasabing biennial meet.
“Ang requirement lang ng Hanoi is two jabs for everybody to be able to get in. So we’re fine with that,” ani Fernandez.
Maliban sa vaccine requirement ay hihingan din ng Vietnam organizers ng negative RT-PCR test result ang bawat delegation member bago papasukin sa kanilang bansa at payagang makasali sa SEA Games.
Nakatakda ang deadline para sa pagsusumite ng entries by name sa Marso 12. Tinapyasan ng POC ang bilang ng mga atletang ilalaban sa Vietnam SEA Games mula sa orihinal na 627 na 584 na lang ngayon dahil sa kakapusan sa pondo ng PSC.
- Latest