Baste itinakas ni Gonzales sa EAC

MANILA, Philippines — Kinapitan ng San Sebastian College-Recoletos ang tikas ng kanilang team captain na si Juna Gonzales sa krusyal na bahagi ng huling set upang kumpletuhin ang isang reverse sweep laban sa Emilio Aguinaldo College, 16-25, 18-25, 27-25, 25-23, 15-6, sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Umiskor ng lima si Gonzales sa nagbabagang 9-0 run ng Lady Stags upang tuluyang pabagsakin ang Lady Generals at ilista ang magandang simula sa Pool C ng pangunahing kompetisyon ng liga na itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R&B Milk Tea.
Matapos magtabla sa 6-6 sa huling set, pinasimulan ni Gonzales ang ratsada ng SSC-R sa isang malakas na kill, wala naman naging sagot ang EAC sa opensiba ng Lady Stags habang patuloy na nagpakawala ng mga naglalagablab na palo si Gonzales.
Sinelyuhan ni Lady Stags setter Patrixia Abulencia ang panalo matapos ang kill block nito kay Shamira Pantoja.
Tumikada si Gonzales ng 19 attack points may sahog pang apat na digs para sa SSC-R sa event na suportado ng Smart, PusoP.com at Summit Natural Drinking Water, Philippine Sports Commission, Commission on Higher Education, Mikasa, Asics, Rigour Technology, Jersey Haven, Solar Sports at 12 Beyond Production bilang technical partners.
Pumuntos para sa Generals si Angel Joy Perez sa nilistang 17 markers, 16 galing sa spikes, 15 ang inambag ni Cara Dayanan at tig-14 at 11 ang kinana nina Angelica Pasaol at Marinel Ramos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, winasiwas ng five-peat seeking National University ang 25-14, 25-19, 25-18 pagdemolition sa San Beda University sa Pool A noong Sabado.
Bumira si Arah Panique ng siyam na puntos.
- Latest




















