Chiefs ‘di umubra sa Pirates
MANILA, Philippines — Dumaan sa butas ng karayom ang Lyceum of the Philippines bago pinirata ang 62-57 panalo kontra Arellano University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil sa San Juan, kagabi.
Kinapitan ng Pirates ang mainit na laro nina Matthew Rubico at Mclaude Guadana para maitakas ang importanteng panalo at ilista ang 4-5 karta.
Pinamunuan ni Rubico ang opensa para sa Intramuros-based squad sa nilistang 15 points, pitong assists at anim na rebounds habang 10 ang kinana ni Guadana, lahat pinasok sa fourth quarter.
“Tinatry ko na ma-involve mga teammates ko kasi hindi puwede na ako lang yung umiiskor dapat lahat kami.” ani Rubico
Mahigpit ang naging labanan sa unang quarter kung saan ay tabla ang iskor sa 15-all pero umungos ng bahagya ang Pirates sa second quarter matapos nilang hawakan ang three-point lead, 34-31 sa halftime.
Maagang uminit ang opensa ni Rubico kaya nasa unahan ang LPU matapos ang dalawang quarters kung saan ay nakapagtala agad ito 10 puntos, tatlong assists at dalawang rebounds.
Sa simula ng third period ay sumalpak naman agad ng tres ang kamador ng Arellano na si Sebastian Valencia upang itabla ulit ang iskor sa 34-34 may 9:40 minuto pa sa orasan.
Patuloy ang gitgitang bakbakan ng Pirates at Chiefs kaya angat lang ng isang puntos ang Lyceum, 46-45 papasok ng fourth quarter.
Mas lalong naging mainit ang laro sa payoff period, naging matatag ang Pirates para masilo ang panalo.
- Latest



















