East Asia Cup 2026 hahataw sa RMBS
MANILA, Philippines — Muling maririnig ang palo ng bola sa maalamat na Rizal Memorial Baseball Stadium (RMBS) sa pagdaraos ng East Asia Cup 2026 na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Disyembre.
Anim na bansa sa pangunguna ng Pilipinas, Singapore, Hong Kong at Thailand ang hahataw sa historic venue na magiging sentro ng labanan at sports tourism.
Sa unang pagkakataon matapos buksan noong 1934, sumailalim ang RMBS sa isang major facelift para ibalik ang kasikatan nito at pagtataas ng antas ng Philippine baseball sa global standards.
“Our objective is to finish the facelift as soon as possible and bring the stadium to global standards,” sabi ni PSC chairman Patrick Gregorio sa grandstand na magkakaroon ng 10,000 seats kasama ang digital scoreboard sa historic outfield wall at isang all-weather artificial turf na ginawa ayon sa international specifications.
“This is about giving Filipino baseball a true home worthy of its history and future,” dagdag ng PSC chief.
Matapos ang pagkumpleto ng stadium ay kaagad idaraos ang East Asia Cup 2026 na inorganisa ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) na may basbas ng Baseball Federation of Asia (BFA).
Sa inaugural exhibition game sa RMBS noong Disyembre 1934 ay hinataw ni Lou Gehrig ang kauna-unahang home run sa stadium kasunod ang palo ni Babe Ruth.
Kumpiyansa ang Hataw Pilipinas, ang official moniker ng 24-man Philippine national team na kumuha ng gold medal sa 33rd Southeast Asian Games laban sa host Thailand, sa kanilang kampanya sa East Asia Cup.
- Latest
























