Alas spikers ‘di takot sa China

MANILA, Philippines — Ilalaban ng Alas Pilipinas ang huling puntos sa pagsagupa sa defending champion at nine-time gold medalist China sa kanilang pagsalang sa women’s indoor volleyball competition ng 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Haharapin ng mga Pinay spikers ang mga Chinese hitters sa Pool B ngayong alas-12 ng tanghali sa Okazaki Chuo Sogo Park Gym.
“Naniniwala kami sa system ni coach Taka (Minowa) at sa kakayahan namin kasi regardless of what happens at the end, we will learn something,” ani team captain Jia De Guzman.
Tinibag ng mga Chinese ang mga Japanese via straight sets sa nakaraang 2022 Hangzhou Games para angkinin ang pang-siyam na Asiad gold medal sa huling 11 edition.
Ang 31-anyos na si De Guzman ang nag-iisang miyembro ng Alas Women na huling sumabak sa Asian Games noong 2018 sa Jakarta, Indonesia kung saan sila tumapos sa pang-walong puwesto.
Makakasama ni De Guzman sa paghataw sa Asiad sina Alyssa Solomon, Bella Belen, Eya Laure, Angel Canino, Shaira Nitura, Niña Ytang, Thea Gagate, Dell Palomata, Amie Provido, Mars Alba at Justine Jazareno.
Inaasahang gagamitin ng Alas Women ang kanilang pagbulsa sa makasaysayang kauna-unahang silver medal sa nakaraang 2026 SEA V Cup Leg 2 sa Chiang Mai, Thailand noong Hulyo.
“We’re just going to fight, we’re just going to analyze, study well, and we’re going to be prepared,” sabi ni Minowa, asawa ni dating Alas Women middle blocker Jaja Santiago.
Bukod sa China, kasama rin ng Alas Women sa Pool B ang Kazakhstan.
- Latest



















