La Salle target ika-2 panalo vs UST

MANILA, Philippines — Pakay ng defending champion De La Salle University na panain ang dalawang sunod na panalo sa pagharap nila sa University of Sto. Tomas sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.
Magsisimula ang bakbakan ng Green Archers at Growling Tigers sa alas-5:30 ng hapon pagkatapos ng gitgitan sa pagitan ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at University of the East Red Warriors sa alas-3 ng hapon.
Galing sa impresibong panalo ang Taft-based squad nang panain nila ang National University, 89-87 sa una nilang laro noong Linggo kung saan ay kinapitan nila sa opensa ang rookie na si Joaquin Tovera.
Tumikada ang 18-anyos na si Tovera ng 22 points para tulungan ang DLSU na ilista ang 1-0 karta kaya asahang siya pa rin ang magiging matinding armas ni head coach Topex Robinson.
Bagama’t impresibo ang ipinakitang laro ni Tovera, hindi ito nakasisiguro na makakasama siya sa starting lineup para sa La Salle ayon kay Robinson, ito’y dahil nandyan ang malulupit na guard ng koponan na si Jacob Cortez.
Maliban kina Tovera at Cortez, huhugot din ng puwersa ang Green Archers kina Luis Pablo at Doy Dungo para duplikahin ang panalo noong Linggo at manatiling nasa tuktok ng team standings.
Pagkatapos ng laban ay tutungo na sina Pablo at Dungo sa Japan dahil kasama sila sa men’s national 3x3 basketball team sa nagaganap na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Subalit paniguradong mapapalaban ng todo ang Green Archers dahil nais ng Growling Tigers na bumangon agad mula sa pagkakadapa nila kontra University of the Philippines Fighting Maroons, 85-92.
“We know UST is also ranked at the top coming into the season. We know a healthy Collins Akowe will always be a big problem. They have those one-and-dones that will get them experience but we’re just up for the challenge. We wanna make sure that we do well before the long break,” ani Robinson.
Sina Mark Llemit, Amiel Acido, at Donovan Sevilla ang pagkukuhanan naman ng bangis ng Growling Tigers.
- Latest

















