Jokic sinapawan si Wembanyama
DENVER —- Humakot si Nikola Jokic ng 42 points, 16 rebounds at 6 assists para banderahan ang nagdedepensang Nuggets sa 110-105 pagdaig sa San Antonio Spurs.
Nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 15 points at career-best 16 rebounds para sa pagkopo ng Denver (53-23) sa top spot ng Western Conference playoff race.
Tumapos si Rookie of the Year candidate Victor Wembanyama na may 23 points, 15 rebounds, 8 assists at 9 blocks sa panig ng San Antonio (18-58).
Hindi naglaro si injured point guard Jamal Murray (knee) sa ikaanim na sunod na pagkakataon para sa Nuggets, habang wala sina Devin Vassell, Jeremy Sochan at Keldon Johnson sa Spurs.
Ang three-pointer ni Porter ang nagbigay sa Denver ng 108-105 abante sa huling 28 segundo ng fourth quarter kasunod ang mintis na triple ni Wembanyama sa posesyon ng San Antonio sa natitirang 18 segundo.
Sa Minneapolis, kumamada si Naz Reid ng 25 points at may 19 markers si Anthony Edwards sa 113-106 pagpapasabaog ng Minnesota Timberwolves (52-23) sa Houston Rockets (38-37).
Sa Toronto, bumanat si LeBron James ng 23 points, habang tumipa si Anthony Davis ng 21 points at 12 rebounds sa 128-111 demolisyon ng Los Angeles Lakers (43-33) sa Raptors (23-52).
Sa Philadelphia, umiskor ang nagbabalik na si Joel Embiid ng 24 points sa 109-105 pagtakas ng 76ers (41-35) sa Oklahoma City Thunder (52-23).
Sa Washington, humataw si Corey Kispert ng 27 points, habang nag-ambag ng 23 markers si Deni Avdija sa 117-113 paglusot ng Wizards (15-61) sa Milwaukee Bucks (47-28).
Sa San Francisco, nagtala si Andrew Wiggins ng 23 points sa 104-100 pag-eskapo ng Golden State Warriors (41-34) sa Dallas Mavericks (45-30).
- Latest