Frayna sosyo sa 2nd spot; Quizon ‘di matinag sa itaas
MANILA, Philippines — Tumitibay ang kapit ni WGM Janelle Mae Frayna sa second spot ng Philippine National Chess Championships - “Battle of the Grandmasters” matapos nitong makipaghatian ng puntos kay IM Paulo Bersamina sa round 9 na nilaro sa Marikina Community Convention Center Huwebes ng gabi.
Nakalikom si Frayna ng 6.5 points upang makisiksik sa three-way tie sa second place habang solo sa tuktok si IM Daniel Quizon.
Kasalo ni Frayna sa No. 2 sina GM John Paul Gomez at IM Jan Emmanuel Garcia sa event na may 14-player single round robin.
Tangan ng 19-anyos na si Quizon ang 7.5 points matapos kalusin si NM Jerish John Velarde.
Kinaldag naman ni Gomez si IM Barlo Nadera habang pinayuko ni Garcia si GM Rogelio “Joey” Antonio Jr.
Kailangan magpanalo si Frayna sa apat na natitirang rounds upang manatili ang tsansa na masungkit ang korona.
Makakalaban ni Frayna sa round 10 ay si Gomez habang katapat ni Quizon si Nadera.
Hahamigin ng magkakampeon ang P120,000 at makakasama sa team Pilipinas na lalaro sa World Chess Olympiad.
- Latest