36ers wagi, Sotto ‘di naglaro
MANILA, Philippines — Matapos ang isang buwan na pahinga, ibinuhos ng Adelaide 36ers ang buong puwersa nito upang pataubin ang Perth sa bendisyon ng 87-74 panalo sa 2021-22 Australia National Basketball League sa Adelaide Entertainment Centre.
Hindi nasilayan sa aksyon si 7-foot-3 Kai Sotto ngunit sapat ang puwersang inilatag ng kanyang tropa para makuha ang ikatlong panalo nito.
Napaganda ng 36ers ang rekord nito sa 3-3.
Bumandera sa kampanya ng Adelaide si Daniel Johnson na humakot ng 21 puntos at humatak ng walong rebounds.
Solido ang suporta ni Cameron Bairstow na may double-double na 19 points at 10 rebounds habang nagpasiklab din si Mitch Mccarron na may 10 points, 12 rebounds at walong assists.
Maliban kay Sotto, pinagpahinga rin sina Emmanuel Malou, Nick Marshall at Isaac Gattorna.
Nanguna para sa Perth si Victor Law na may 16 points at 14 rebounds habang may pinagsamang 22 puntos sina Bryce Cotton at Michael Frazier.
Sunod na sasabak ang Adelaide laban sa Melbourne United sa Enero 22.
- Latest