Mavs sunog sa Suns
PHOENIX — Itinala ng Suns ang kanilang ika-11 sunod na arangkada matapos pabagsakin ang Dallas Mavericks, 112-104, tampok ang tig-19 points nina Devin Booker at Mikal Bridges.
Tumapos si guard Chris Paul na may 18 points at 14 assists para sa Phoenix (12-3) na pumapangalawa sa NBA-leading Golden State Warriors (14-2) sa Western Conference.
Kumolekta si Kristaps Porzingis ng 23 points at 12 rebounds sa panig ng Dallas (9-6) kasunod ang tig-18 markers nina Jalen Brunson at Tim Hardaway Jr.
Kinuha ng Mavericks ang 84-79 abante papasok sa fourth period hanggang maghulog ang Suns ng 10-2 bomba para agawin ang 89-86 bentahe patungo sa 103-90 kalamangan sa huling 4:12 minuto.
Sa Detroit, humugot si Jordan Poole ng 22 sa kanyang season-high 32 points sa first half at may 27 markers si Andrew Wiggins sa 105-102 pag-eskapo ng Warriors sa Pistons (4-11).
Hindi pinaglaro ng Warriors sina starters Stephen Curry (bruised hip) at Draymond Green (bruised thigh).
Sa New York, nagposte si James Harden ng 36 points, 10 rebounds at 8 assists para igiya ang Brooklyn Nets (12-5) sa 115-113 paglusot sa Orlando Magic (4-12) at solohin ang liderato sa Eastern Conference.
Sa iba pang laro, wagi ang nagdedepensang Milwaukee Bucks sa Orlando Magic, 115-113; hiniya ng Boston Celtics ang Los Angeles Lakers, 130-108; tinalo ng Charlotte Hornets ang Indiana Pacers, 121-118; sinuwag ng Chicago Bulls ang Denver Nuggets, 114-108; at pinadapa ng New Orleans Pelicans ang LA Clippers, 94-81.
- Latest