Amateur leagues nakaabang sa bagong guidelines
MANILA, Philippines — Maghihintay pa ang ilang amateur leagues gaya ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at Philippine Superliga (PSL) ng bagong panuntunan bago ipagpatuloy ang kani-kanilang tournaments.
Bubuuin ng Department of Health ang panuntunan na nakalinya para sa mga amateur leagues. Sa kasalukuyan, may guidelines ang DOH para lamang sa mga professional leagues gaya ng PBA.
“Hihintayin muna natin na mag-issue ng guidelines ang Department of Health para doon sa protocols na applicable. Kasi ang existing protocols po ngayon ay applicable lamang sa professionals,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kaya naman hihintayin pa ng MPBL at PSL na matapos ang gagawing guidelines ng DOH para makapagpatuloy ang mga ito sa kanilang planong pagbabalik-aksyon.
Maliban sa guidelines ng DOH, kailangan din ng pahintulot mula sa local government unit na pagdarausan ng torneo dahil ito ang magbabantay sa health protocols sa kanilang bubble.
Target ng MPBL na tapusin ang Lakan Cup nito samantalang plano ng PSL na magdaos ng Beach Volleyball Challenge Cup sa Subic.
- Latest