Ginebra, TNT itatayo ang 2-0 lead
MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang target ng Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga habang pipilitin naman ng Meralco at Phoenix na makatabla.
Lalabanan ng Gin Kings ang Bolts ngayong alas-3:45 ng hapon kasunod ang upakan ng Tropang Giga at Phoenix Fuel Masters sa alas-6:30 ng gabi sa Game Two ng 2020 PBA Philippine Cup semifinals series sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Pinayukod ng Ginebra ang Meralco, 96-79, at nilusutan ng TNT ang Phoenix, 95-92, sa Game One ng kani-kanilang best-of-five semis showdown noong Miyerkules.
“Meralco is a team on a mission. We interrupted that for one day but hopefully, we continue to interrupt it,” sabi ni Gin Kiings’ head coach Tim Cone sa Bolts ni Norman Black.
Muling aasahan ng Ginebra sina Stanley Pringle, Japeth Aguilar, LA Tenorio, Scottie Thompson at Joe Devance katapat sina Chris Newsome, Baser Amer, Raymond Almazan, Reynel Hugnatan at Cliff Hodge ng Meralco.
Inaasahan naman ni TNT mentor Bong Ravena na reresbakan sila ng Phoenix kasama si top scorer Matthew Wright, nagkaroon ng sprained right ankle sa first period sa Game One.
“We have to be ready also because babalik iyan, eh. Hindi naman magpapabaya ang Phoenix. We know that,” sabi ni Ravena, nakahugot ng 20 points kay Jayson Castro sa pagtakas ng Tropang Giga sa Fuel Masters sa series opener.
Tumapos lamang ang 29-anyos na si Wright, may mga averages na 20.0 points, 4.3 rebounds at 7.3 assists, na may 2 markers.
“He’ll be ready. He’s gonna be OK,” paniniyak ni Phoenix coach Topex Robinson sa paglalaro ng Fil-Canadian sniper.
- Latest