Micah bugbog kay Casimero!
Next ka na Inoue...
MANILA, Philippines — Inilabas ni John Riel Casimero ang bagsik ng kamao nito upang matamis na itarak ang third-round knockout win kay Duke Micah para matagumpay na maipagtanggol ang kanyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight title kahapon sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Gaya ng inaasahan, hindi nakaporma kay Casimero ang African fighter nang ilatag ng Pinoy champion ang bangis nito gamit ang solidong kumbinasyon.
Hindi na nag-aksaya pa ng sandali si Casimero nang agad nitong paliguan ng matatalim na suntok ang Ghanian pug.
Kitang-kita sa mga mata ni Casimero ang nag-aalab na damdaming tila nakawala sa hawla nang pakawalan nito ang kaliwa’t kanang atake dahilan para mabilis na mapataob si Micah.
Sa kabila ng tinamong bugbog, nagawa pang makalusot ni Micah sa second round.
Subalit mas lalong nag-init si Casimero sa ikatlong kanto kung saan humataw ito ng uppercut dahilan upang itigil na ng referee ang laban.
“I worked hard and got the win tonight. In the first round I saw the body shot hurt him and thought I could get him out right away, but he’s a good boxer who was undefeated for a reason,” wika ni Casimero na umangat sa 30-4 rekord tampok ang 21 knockouts.
Saludo ito sa abilidad ni Micah na maituturing ding isang mahusay na boksingero.
Kaya naman hindi naisip ni Casimero na maging kampante laban kay Micah.
Armado ng malalim na karanasan at ilang buwang pagsasanay, hindi binigo ni Casimero ang buong sambayanan para bigyan ng pagkakataon na magbunyi ang Pinoy fans sa kabila ng pandemya.
Nadungisan ang baraha ni Micah na bumagsak sa 24-1 rekord kabilang ang 19 KOs.
Samantala, muling hinamon ni Casimero si World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) titlist Naoya Inoue matapos maudlot ang kanilang laban noong Abril.
Ayon kay Casimero, tila natatakot si Inoue dahil tunay na mabagsik ang Pinoy pug sa labang ito.
“I’m the real monster. Naoya Inoue is scared of me. You’re next today,” ani Casimero.
- Latest