Bonus paglalabanan ng Golden Tigresses at Lady Spikers
MANILA, Philippines — Paniguradong siksikan sa Smart Araneta Coliseum sa banggaan ng University of Santo Tomas at nagdedepensang De La Salle University sa 86th UAAP women’s volleyball tournament.
Magsisimula ang paluan ng Golden Tigresses at Lady Spikers ngayong alas-6 ng gabi, habang magtatapat ang University of the Philippines Lady Maroons at University of the East Lady Warriors sa alas-12 ng tanghali.
Bumalik na ang dating porma ni league leading scorer at super rookie Angge Poyos kaya tiyak na ipantatapat ito ng UST kay reigning Rookie-Most Valuable Player Angel Canino.
Nagliyab sa opensa ang 20-anyos na si Poyos nang payukuin nila ang talsik nang UE noong nakaraang Linggo sa pagtatala ng game-high 25 points mula sa 21 attacks, tatlong service ace at isang block.
Maliban kay Poyos, huhugot din ng lakas ang UST kina Regina Jurado, Jonna Perdido, Pia Abbu, Cassie Carballo, Xyza Gula, Bianca Plaza at team captain Detdet Pepito na pakay na makuha ang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four.
Paglalabanan ng Lady Spikers at Golden Tigresses ang natitirang bonus sa Final Four.
Makakakuha ng bonus ang top two teams pagkatapos ng 14-game elimination round at nakuha na ng National University Lady Bulldogs ang isa matapos walisin ang second round at hawakan ang No. 1 seed sa kartang 12-2.
Magkasalo sa No. 2 spot ang DLSU at UST na may parehong 11-2 record.
- Latest