2 pilak, 4 tanso sa Pinoy jins
MANILA, Philippines — Humirit ang national poomsae team ng dalawang pilak at apat na tansong medalya sa prestihiyosong 2018 WTF World Taekwondo Poomsae Championships na ginanap sa University of Taipei Gymnasium sa Taipei, Taiwan.
Nasiguro ni Ernesto Guzman ang unang pilak ng Pilipinas matapos pumangalawa sa men’s 40-under class ng torneong nilahukan ng mahigit 50 bansa.
Nagkasya sa runner-up honors si Guzman nang umiskor ito ng 7.500 puntos laban sa 7.660 points na naitala ni Ali Salmani ng Iran na siyang nagbulsa ng gintong medalya sa naturang kategorya.
Nauna nang tinalo ni Guzman si Sam Meilan Fernandez ng Spain sa semifinals (7.350-7.330).
Nakipagsanib-puwersa rin si Guzman kina dating world champion Jean Pierre Sabido at Glenn Lava para masungkit ang ikalawang pilak ng bansa sa men’s 30-over team division.
Natalo ang Pinoy trio sa finals laban sa powerhouse South Korea sa iskor na 7.090-7.340.
Wagi naman ng tanso sina SEAG champion Dustin Mella, Raphael Mella at Rodolfo Reyes Jr. (Male Under-30 Team), King Alcairo at Jamiehannah Agaloos (Pair Cadet), Jocel Lyn Ninobla (Female Individual Under-30) at Agaloos (Female Individual Cadet).
- Latest