Madayag bumida sa panalo ng Lady Eagles sa PVL
Laro Ngayon: (The Arena, San Juan City)
4 p.m. BanKo vs Ateneo
6 p.m. Creamline vs Iriga
MANILA, Philippines — Nailusot ng Ateneo de Manila University ang 25-21, 17-25, 19-25, 25-14, 15-8 come-from-behind win sa Petro Gazz para masungkit ang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Nagsilbing lider si middle blocker Maddie Madayag na humataw ng 16 puntos na nabuo mula sa 13 attacks at tatlong blocks para tulungan ang Lady Eagles na mapanatili ang malinis na rekord.
“We fought really hard. We really trusted each other, we trusted coach Oliver’s (Almadro) system. During the second and third sets, we kind of lost the system, we were out of our place. At least we came back to where we were supposed to be and followed the system,” pahayag ni Madayag.
Una nang ginulantang ng Ateneo ang three-time PVL champion na Pocari-Air Force sa kanilang unang laro.
Bumagsak naman ang Gazz Angels sa 3-3 marka.
Mula sa tatlong puntos na kalamangan sa fourth set, 15-12, inilabas ng Lady Eagles ang bangis nang maglatag sina Madayag, oppsite hitter Kat Tolentino at team captain Bea De Leon ng matatalim na atake na sinabayan pa ng solidong net defense para itarak ang 10-2 run at maipuwersa ang deciding fifth frame.
Naipagpatuloy ng Ateneo ang magandang laro sa huling yugto partikular na si Tolentino na gumawa ng halos kalahati sa iskor ng kanilang tropa sa naturang set.
Nakatulong pa sa Lady Eagles ang ilang attack at service errors ng Gazz Angels para makuha ang panalo.
Nagbigay din ng solidong laro si playmaker Deanna Wong gayundin si Dani Ravena.
- Latest