Pinay woodpushers nagwagi sa Portugal; Torre inilusot ang Pinas sa panalo vs Hungary

MANILA, Philippines - Sa likod ni Grandmaster Eugene Torre, nakaiwas sa kabiguan ang Philippine men’s squad matapos kunin ang isang 81-move victory laban kay GM Ferenc Berkes para makatabla sa fourth seed Hungary, 2-2, at manatili sa fourth place sa Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey.

Tinalo naman ng Phl women’s team ang Portugal, 3-1, mula sa mga panalo nina women’s FIDE Master Ralp Ylem Jose at Jedara Docena sa boards two at three, ayon sa pagkakasunod.

Inangkin ng 60-anyos na si Torre, ang kauna-una­hang GM sa Asya at may pinakamaraming Olympiad stints sa bilang na 21, ang lahat ng pawn na isinakripisyo ni Berkes para makuha ang lamang sa Zukertort variation ng isang Queen’s Pawn game.

Katabla ng mga Pinoy sa fourth place ang Hungary, No. 3 Armenia, No. 5 USA, No. 7 Azerbaijan, No. 11 England, No. 14 Germany at Uzbekistan mula sa magka­katulad nilang 11 points.

Nangunguna pa rin ang top seed Russia matapos gibain ang Azerbaijan, 2.5-1.5, habang tumaas sa ikalawang puwesto ang No. 2 Ukraine at No. 6 China makaraan ang kanilang 2.5-1.5 panalo kontra sa Spain at Armenia, ayon sa pagkakasunod.

Sunod na makakatapat ng mga Pinoy ang England, nagtala ng 2.5-1.5 tagumpay kontra sa Georgia sa likod ng panalo ni dating World Challenger GM Nigel Short.

Nakipag-draw sina GMs Wesley So at Mark Paragua, habang natalo naman si GM Oliver Barbosa kontra kay GM Zoltan Almasi.

Nakisalo ang mga Filipina sa No. 10 kasama ang 13 pang bansa at nakatakdang harapin ang No. 5 England.

Show comments