J-Pat pasok sa 2nd round sa F4 Futures

MANILA, Philippines - Inangkin ni Jeson Pa­trom­bon ang maituturing na pinakamalaking panalo sapul nang naglaro sa ITF men’s circuit nang talunin si Jun Woong-Sun ng Korea, 4-6, 7-5, 7-6(5) sa Thailand F4 Futures sa Phuket, Thailand nitong Lunes.

Nagpakita ng katatagan si Patrombon dahil kinaila­ngan niyang bumangon mula sa 3-5 iskor sa tie-break para manalo sa la­rong umabot ng tatlong oras at kunin ang karapatang labanan ang fourth seed na si Laurent Rochette ng France sa se­cond round.

Nagwagi si Patrombon, isang qualifier, sa mahabang rally bago nanalo pa ng puntos sa magkasunod na serves tungo sa 6-5 ka­lamangan.

Sinikap ni Jun na may taas na 6’5 na sandalan ang kanyang malakas na serve na naunang nagpa­hirap kay Patrombon. Pero sa pagkakataong ito ay na­ibalik ng Filipino ace ang bola at nagkaroon uli ng mahabang palitan na nagwakas sa magandang volley ni Patrombon.

Ang panalo ay nagtiyak na ng ikapitong ATP point sa taong ito upang makatiyak ng pag-akyat ni Patrombon sa world ranking.

Magkakaroon pa ng pagkakataon ang batang netter na lalaro rin sa SEA Games sa Indonesia na umani pa ng puntos kung mananalo kay Rochette na pinagpahinga si Grittaboon Prahmanee na isang wild card entry mula Korea.

Nagkita na sina Patrom­bon at Rochette sa kompetisyon sa Laos sa first round na pinagwagian ng French netter.

Show comments