Pinoy karatekas 3 gold ang uwi sa Korea Open Karatedo Championships

MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa kahapon ang mga national karatekas na humugot ng 3 gold, 2 silver at 1 one bronze medals sa katatapos na 6th Korea Open In­ternational Karatedo Championships 2010 na idinaos sa Gudeok Gymnasium sa Busan, South Korea.

Ipinagmalaki nina 2009 Southeast Asian Games gold medalist Marna Pabillore, Noel Espinosa at ang baguhang si Mabel Arevalo ang kani-kanilang mga bitbit na gintong medalya sa kanilang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport.

Tinalo ni Pabillore, ang silver medalist sa 2006 Doha Asian Games, sina Man Sum ng Hong Kong at Thu Nga ng Vietnam sa elimination round bago igupo si Ching ng Chinese Taipei sa gold medal round ng women’s kumite -55 kilogram.

Pinagharian naman ni Espinosa ang men’s kata event matapos talunin ang mga pambato ng Hong Kong, Indonesia, South Korea at Vietnam.

Pinagreynahan ni Arevalo ang women’s kata event nang manalo sa mga lahok ng Hong Kong at Thailand sa semifinals at finals, ayon sa pagkakasunod, habang bronze medal naman ang kanyang kinuha sa wo­men’s kumite -48kg class.

 Ang dalawang silver medals ay nagmula kina Mae Soriano (women’s kumite -50-kg) at Rolando Lagman (men’s kumite -67-kg).

Show comments