Rain Or Shine sumeguro ng playoff

MANILA, Philippines - Sa kabila ng panalo ng Elasto Painters sa Realtors sa wildcard phase, hin­di pa rin sila magiging kun­tento.

“We can’t celebrate yet. We got to win one mo­re to get to the quarter­finals series,” wika ng Fil-Puerto Rican guard na si Sol Mercado. “We can’t be satisfied with it.”

Isang krusyal na finger roll laban kay 6-foot-9 Marlou Aquino ang isinalpak ni 6’2 Eddie Laure sa natitirang 11 segundo upang itawid ang Rain Or Shine sa 90-86 tagumpay kontra Sta. Lucia sa wildcard phase ng 2009-2010 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Kumolekta naman si Mercado ng 18 puntos, 7 rebounds at 4 assists para tulungan ang Asian Coa­tings franchise sa pagpigil sa kanilang apat na sunod na kamalasan.

Bago makasagupa ang naghihintay na Purefoods Tender Juicy Giants sa quarterfinals series, kailangan pa ring manalo ng Elasto Painters sa isa pang playoff game sa Miyerkules.

Matapos kunin ng Rain Or Shine ang 40-34 halftime lead, itinabla naman nina Aquino, Joseph Yeo at Jason Misolas ang Sta. Lucia sa 40-40 sa 10:22 ng third period patungo sa kanilang 73-69 bentahe sa 9:42 ng fourth quarter.

Isang basket ni Mercado at three-point shot ni Mike Hrabak ang nagtabla sa Elasto Painters sa 74-74 sa 4:42 ng laro kasunod ang pang limang tres ni Fil-Am rookie Josh Urbiztondo para sa 77-74 lamang ng Realtors.

Sa likod nina Laure, Jeff Chan at Gabe Norwood, inilista ng Rain Or Shine ang 88-83 abante sa 1:16 ng laro bago ang ikaanim na tres ni Urbiztondo para sa 86-88 agwat ng Sta. Lucia sa huling 31.8 segundo. (RCadayona)

Show comments