Romero nanawagan na payagan ang mga siklista na mag-tryout para sa SEAG

MANILA, Philippines - Para sa isang hakbang sa pagkakaisa ng cycling community sa bansa, nanawagan si PhilCycling (Integrated Cycling Federation of the Philippines) president Dr. Mikee Romero sa lahat ng stakeholders upang payagang sumali ang riders nito sa try outs ng nalalapit na Laos SEA Games.

“It doesn’t matter whether you are affiliated to the other group, everybody is welcome,” ani Romero. “Let us show our love to our country by taking part in this tryout. Time is not on our side now, don’t allow politics to ruin our lofty status in the region.”

Simula Hulyo 12, gaganapin sa tatlong magkakasunod na Linggo ang tryouts ng mga atletang interesadong lumahok.

Ayon pa kay Romero, hindi magkakaroon ng seeding sa komposisyon ng RP team dahil sa naturang tryout.

Umaasa ang owner ng Harbour Centre at Oracle Residences na sasali sa nasabing tryout ang mga pambatong riders ng bansa tulad ni Victor Espiritu.

Gayunpaman, sinsero na mapaglapit ang dalawang organisasyon ng cycling, inimbitahan ni Romero ang grupo ni Tagaytay Mayor Bambol Tolentino sa tryouts na nagtatampok ng P12,000-P15,000 monthly allowance para sa mga mapipiling atleta.

Bunga rin sa pagsuporta ni Romero, ang gold medalist ng SEA Games ay pagkakalooban pa nito ng P200,000, habang mag-uuwi rin ng P100,000 ang Silver medalist at P50,000 naman ang nakalaan para sa bronze winner.

Nanawagan rin Romero sa mga tinatawag na sports guardians na itigil na ang favoritism dahil malaki lamang ang masamang maidudulot nito.

Sa kadahilanang mayroon lamang limitadong pasilidad ang SEA Games host, apat na events lamang ang paglalabanan sa biennial event na ito na kabibilangan ng 40kms individual time trials, criterium race, mountain bike events cross at downhill para sa men at womens’ division.

Upang bigyan ng matitinding hamon ang mga riders ng Pinas, inapbrubahan ng ICFP Board ang tryouts ng apat na events sa Baras, Tanay, Mabitac, Jala-jala, Pililia sa Rizal. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments