Reyna ng Shakey's V-League: Mas mabangis ang Tigresses

MANILA, Philippines – Para sa pinakamataas ng titulong pinaglalabanan sa kasalukuyang kumperensya, marami ang umasam na mahigpit na laban ang matutunghayan sa sudden death match sa pagitan ng San Sebastian at University of Sto. Tomas.

Subalit sa pinakitang matamlay na laro ng Lady Stags, marami ang nasorpresa sa madaliang paraan ng pag-angkin ng titulo ng Tigresses, 25-18, 25-20, 25-22 sa Shakey’s V-League na ipiniprisinta ng Cherifer kahapon.sa The Arena, San Juan City.

 Mula sa pagkatalo nung Game 1, bumalikwas ang UST upang maiwasan ang bangungot na magiging hatid sana ng SSC.

Dahil sa matinding determinasyon ni MVP Mary Jean Balse na pumalo ng 18 hits, nakubra ng Tigresses ang panalo.

Sa tulong rin ni Aiza Maizo, naiposte ng Uste ang ikaapat na titulo, sapat para tuluyang daigin ang tatlong kampeonatong inilista ng La Salle Lady Archers.

Sa kabilang banda, mistulang nanghina ang kapang-hayarihan ng palo ni Jaroensri Bualee, makaraang tumipa lang ng 8 puntos, at nagpaubaya na lang sa lakas ng mga kaalyadong sina Laurence Ann Latigay, Suzanne Roces at Analyn Benito na humabol sa tagumpay.

Ngunit ang pwersa ng Stags ay hindi sumapat para tapatan ang nag-aalab na depensa nina Maika Ortiz, Bernice Co at Rhea Dimaculangan.

Ang nakuhang korona, ay buong pusong inihahandog ng tropa kay August Sta. Maria na nagtulak sa UST para makamit ang unang tatlo nitong korona sa ligang organisado ng Sports Vision at suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare, bago ito namahinga dahil sa stroke noong March 2008.

“We offer this victory to coach August Sta. Maria,” ani UST mentor Cesael delos Santos. “It’s a nice feeling to win for the first time. At least we got back at the Lady Stags after we lost to them last year.”

Naging dehado man noong una, hindi nagpapigil sa pagbwelta ang Tigresses matapos yurakan ng Stags ang pangarap sa Game 1 noong Huwebes.

Sa pag-asinta ng korona, umarangkada ang España based squads nang angkinin ang dalawang sunod na games para tapusin ang karera ng nagkukumahog na Stags. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments