Swimmers, divers sa PhilSports muna

Simula sa Martes ang PhilSports Complex na sa Pasig City ang magiging pansamantalang tahanan ng mga national swimmers patungo sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre. 

Sinabi kahapon ni national coach Pinky Brosas na hangad ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) na mapagsama-sama ang mga national tankers para sa mas solidong samahan. 

"Hindi na kasi sila puwede sa Trace Aquatics Center sa Los Banos, Laguna since marami nang naka-line up na activities doon kahit na natapos na 80 percent ‘yung mga nasira ng bagyo," ani Brosas. 

Sa Trace Aquatics Center sana ititira ang mga national swimmers kundi lamang ito sinalanta ng bagyong si "Milenyo". 

Ang mga pansamantaang tutuloy sa Phil-Sports Complex ay sina Ryan Arabejo, Kendrick Uy, Gerard Bordado, Ernest Dee, Denjylie Cordero, Marichie Gandionco at Fil-Am Daniel Coackley, habang didiretso naman sa Doha, Qatar sina US-based Miguel Molina, Erica Totten at JB Walsh.   

"Kinakabahan po na medyo excited ang feeling ko ngayon kasi first time ko lang pong magparticipate sa Asian Games," wika ng 14-anyos na si Cordero, ang pinakabatang swimmer sa tropa.

 Makakasama rin ng mga swimmers sa PhilSports sina divers Shiela Mae Perez, Rexel Fabriga, Zardo at Ceceil Domenios at Jaime Asok. (Russell Cadayona)

Show comments