Fil-Am pole vaulter tumalon ng record

Nagpakita ng potensiyal ang Philippine overseas team bet na si Debo-rah Samson nang higitan nito ang national record sa women’s pole vault sa pagtitiklop ng National Open Invitational Championships sa Rizal Memorial track oval kahapon.

Nagrehistro ang 22 anyos na si Samson, mula sa University of California, Santa Barbara, ng 3:30M jump sa kanyang ikalawang pagtatangka para ma-surpass ang RP record na itinala ni Marestella Torres noong 2002 National Open.

Imbes na madiskaril sa pagkaka-stroke ng kanyang inang si Elsa na tubong-Baguio City, ang kanyang inang nasa ospital ngayon ang nagbigay sa kanya ng lakas para sa record breaking performance.

"I did everything that I could," pahayag ni Samson na nag-alay ng kanyang tagumpay sa kanyang ina. "This is for you," aniya.

Pumukaw ng pansin ang steeplechase expert na si Rene Herrera sa kanyang panibagong event na 1,500m run sa pagkopo nito ng gintong medalya makaraang maungusan sina John Lozada at isang Koreano.

"Sinubukan ko lang ang 1,500m run kaya nung nakita kong may tsansa ako sa last 50 meters, ibinuhos ko na ang lahat ng lakas ko," ani Herrera na nagtala ng tiyempong 3 minutes at 55.83 seconds, para sa gintong medalya ng Western Institute of Technology.

Nagkasya naman sa silver ang Philippine Navy bet na si Lozada na nahuli lamang ng mahigit isang segundo habang naumit naman ng Korean na si Jung Jin Park ang bronze medal (3:57.27).

Nagsubi din ng gold ang isa pang national team member veteran na si Cpl. Emerson Obiena ng Philippine Army sa men’s pole vault sa kanyang nilundag na 4.40 meters para daigin sina Djundi Binas ng Adamson University (4.20) para sa silver at isa pang national team member na si Sean Guevarra ng Air Force ang sumungkit ng bronze. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments