Arcilla giniba ni Guba sa Philta/Head-Penn Tennis Tour Masters

Nakopo ni Yannick Guba ng St. Benilde-Bacolod ang boys’ 18-under title matapos na itala ang 6-1, 6-4 tagumpay kontra Joseph Arcilla kahapon sa Philta/Head-Penn Tennis Tour Masters sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ito ang ikalawang sunod na titulo ni Guba sa 18-under class matapos ang Milo Junior Tennis Cup noong nakaraang linggo.

Sa 16-under division, tinalo ng third seed Janji Soquino ng Cebu ang second seed Nestor Celestino Jr., 6-1, 6-2 upang ibulsa ang boys crown, habang napasakamay ni Arithmetico Lim ng Chiang Kai Shek School ang 14-under title matapos na hatakin ang 7-6 (1), ret., desisyon kontra second pick Ed Angelo Diez ng Davao City.

Sa girls’ 14-under bracket, ginapi ng top seed Bien Zoleta ang third seed Denise Culaba, 6-2, 6-2 para sa titulo, habang napagwagian naman ng kan-yang nakababatang kapatid na si Bambi ang unisex 10-under trophy sa pamamagitan ng 6-3, 6-4 panalo kontra Gerard Michael Ngo ng Lourdes School.

Samantala, idaraos ng Philippine Tennis Association ang 13th Andrada Cup Age Group Championships sa Jan. 5-6 at 11-13, 2002 sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ang mga manlalaro ay maaaring magpalista kay Loida Mallare sa Philta office (tel. no. 5256434). Hanggang Jan. 3 ang huling araw na itinakda para magsumite ng entry at ang entry fee ay P200.

Tampok ang mga events sa boys’ and girls’ 18-under, 16-under, 14-under, 12-under at unisex 10-under divisions. Maaaring sumabak ang isang manlalaro sa dalawang kategorya.

Ang Group 2 event na ito ay ginaganap bilang parangal kay Philta president Salvador Andrada ay may premyo ding 120 points sa lahat ng mga mananalo.

Show comments