Villanueva, kampeon sa Phil. Chess Society

Tinanghal na kampeon ang Letran freshman na si Vic Neil Villanueva matapos na makakuha ito ng mas mataas na Buchholz tiebreak na 23.5 at magtapos nang may lima sa anim na puntos sa pagtatapos ang First Under 16 Active Chess Championship na ginanap sa Philippine Chess Center sa Quezon City.

Ang Board 4 gold medalist at miyembro ng back-to-back NCAA champion squad ng Letran ay lumanding sa apat na pagtatabla kina teammate Julius Joseph de Ramos (21.0), Carl Romualdo Espallardo ng Pasig City (23.0) at Nelson Mariano III (18.5) ng P. Gomez Elementary School.

Sa kanyang pag-akyat paitaas, ang 13 anyos na si Villanueva ay nagtala ng limang panalo at isang talo na baraha nang kanyang silatin si No. 7 seed Dino Ballecer, No. 9 seed Jan Vincent Paragua at No. 1 seed Roderick Nava.

Bago napagwagian ang Philippine Chess Society-sponsored competition, nakuha ni Villanueva ang 3rd place finish noong nakaraang taong National Capital Region Under 16 tournament na napagwagian naman ni Nava.

Samantala, ang First Under 20 Active Chess Open ay nakatakda sa Sabado, Marso 24 sa ganap na alas-10 ng umaga. Lahat ng Junior players ay inaaanyayahan na magparehistro ng maaga dahil kailangan lamang ng 40 partisipante. Ang entry fee ay P150 at para sa karagdagang detalye tumawag kay Joey Moseros sa 929-3583 o 414-2302.

Show comments