Baste kinaldag ng Altas

MANILA, Philippines — Kinadena ng Perpetual Hep System DALTA ang two-game winning streak matapos nilang pagulungin ang San Sebastian College, 86-74 kagabi sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagpasiklab sa opensa ang nahirang na Best Player of the Game na si Leobert Casinillo matapos nitong ilista ang 15 points kasama ang 5-of-9 sa field goal at 3-of-3 sa free throw upang tulungan ang Altas na ilista ang 2-1 karta sa Group B.
Matindi ang naging bakbakan ng Altas at Stags sa unang dalawang quarters, kung saan ay lamang ng dalawang puntos ang una, 43-41 sa halftime.
Nagpatuloy ang mahigpitan na labanan sa third canto, dikit pa rin ang iskor sa 59-58 pabor sa Altas, papasok ng fourth period.
Nagliliyab ang opensa ng pambato ng Stags na si Oniel Castor sa third frame dahil nakapagtala na agad ito ng 17 points at tatlong rebounds.
Hindi pa rin nagkaiwanan ang barugan ng Perpetual at San Sebastian sa kalagitnaan ng payoff period dahil tabla ang iskor, 69-69 may 5:39 pa sa orasan.
Pero biglang lumayo ang Altas, umungos sila ng walong puntos, 80-72 mula sa sinalpak ni Juan Tulabut na dalawang free throws may 1:56 minuto na lang sa orasan.
Nasa ilalim ng team standings ang Mapua, wala pa silang panalo sa tatlong salang.
Samantala, sinandalan ng Lyceum of the Philippines University ang opensa ni Lance Aurigue upang sikwatin ang mahirap na 88-87 panalo kontra Mapua University sa unang laro.
Tumikada si Aurigue ng 21 points, 13 rebounds dalawang assists at tig isang block at steal upang tulungan ang Pirates na ilista ang 1-1 karta.
- Latest






















