Lakers nakaiwas sa sweep ng Nuggets
LOS ANGELES — Bumira si LeBron James ng 30 points at humakot si Anthony Davis ng 25 points at 23 rebounds sa 119-108 panalo ng Lakers sa nagdedepensang Denver Nuggets sa Game Four ng kanilang Western Conference first-round playoff series.
Naiwasan ng Los Angeles na mawalis ng Denver sa kanilang serye para sa 1-3 agwat.
Nag-ambag sina D’Angelo Russell at Austin Reaves ng tig-21 points para sa Lakers na tinapos ang 11-game losing slump sa Nuggets simula noong Disyembre ng 2022.
Kumolekta si Nikola Jokic ng 33 points, 14 rebounds at 14 assists para sa kanyang ika-18 career triple-double at ikalawa sa kanilang serye ng Lakers.
Binura ng Nuggets ang 19-point deficit sa paglapit sa 106-113 mula sa three-point play ni Jokic sa huling 1:25 minuto kasunod ang jumper at apat na free throws ni Reaves na sumelyo sa panalo ng Lakers.
Sa Oklahoma City, humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 24 points sa 106-85 paggupo ng Thunder sa New Orleans Pelicans sa Game Three at iposte ang 3-0 lead sa kanilang Western Conference first-round playoff series.
Sa Miami, nagsalpak sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng tig-22 points sa 104-84 paggiba ng Boston Celtics sa Heat sa Game Three at kunin ang 2-1 lead sa kanilang Eastern Conference first-round playoff series.
Sa Orlando, humakot si Franz Wagner ng 34 points at 13 rebounds sa 112-89 panalo ng Magic sa Cleveland Cavaliers sa Game Four para itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
- Latest