^

PSN Opinyon

‘Kuryente’ kapag nauuna ang hinala kaysa ebidensya

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

May isang salitang Pinoy para sa impormasyong kulang o mali: “nakuryente”. Sa pamamahayag, nakasisira ito ng kredibilidad. Sa politika, maaari rin nitong maapektuhan ang reputasyon ng mga taong nasasangkot.

Matagal nang kinikilala si Senador Ping Lacson bilang isa sa mga opisyal na hindi basta naghahagis ng akusasyon. Ang kanyang pangalan ay nakaugnay sa masusing imbestigasyon, dokumento, at mga tinatawag niyang “resibo.” Kaya naman kapag siya ang nagsasalita, marami ang nakikinig.

Sa pagdinig sa Senado, diretsahang sinabi ng mga opisyal ng DPWH na wala pa silang natutukoy na ghost project sa Taguig. May mga kinukuwestiyong proyekto, may mga dokumentong sinusuri, may mga detalyeng kailangang himayin, pero iba ang “may tanong” sa “may sala.”

Kapag may nakita kang kahina-hinalang litrato, maling geotag, o hindi tugmang datos, tama lang na siyasatin. Pero ang red flag ay simula ng imbestigasyon, hindi katapusan nito.

Sa panahon ng social media, madalas nababaligtad ang proseso. Nauuna ang akusasyon, sumusunod ang ebidensya. Habang nagbeberipika pa ang mga awtoridad, nakapaghatol na ang publiko. At sa oras na masira ang reputasyon ng isang tao o institusyon, mahirap na itong buuing muli kahit mapatunayan pang kulang ang batayan ng unang paratang.

Ganito rin ang usapin sa reclamation controversy sa Laguna Lake. May inilabas na video, may matitinding paha­yag, at may ipinahihiwatig na pananagutan. Ngunit ayon naman sa Taguig, hindi pag-aari ng lungsod ang lupang tinutukoy at wala itong pinahintulutang reclamation activity doon.

Kung totoo man o hindi ang magkabilang pahayag, tra­baho ng imbestigasyon ang sumagot. Hindi sapat ang lokasyon para agad ituro ang may kasalanan. Dahil ang hinala ay hindi ebidensya. Ang anomalya ay hindi awtomatikong pandarambong. At ang malakas na paratang ay hindi agad nagiging katotohanan dahil lamang paulit-ulit itong inuusal sa publiko.

Sa dulo, ang tunay na sukatan ng isang imbestigador ay hindi kung gaano siya kalakas magbintang. Kundi kung gaano siya kahigpit sa sarili niyang pamantayan ng ebidensya.

Kung may dapat iwasan ang mga nasa kapangyarihan, iyon ay ang pagiging kampante sa lakas ng hinala. Sapagkat kapag mas nauna ang konklusyon kaysa katibayan, hindi lamang ang pinatutungkulan ang nakukuryente. Pati ang kredibilidad ng nagbibintang.

LACSON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with