^

PSN Opinyon

Anak daw

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang sustento ng magulang ay hindi matatawaran. Alinsunod sa Art. 194 ng Family Code, ang suporta o sustento ang sumasagot sa lahat ng pangangailangan ng isang anak para mabuhay tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon at pamasahe na base sa kakayahan ng pamilya.

Ayon naman sa Art. 195 ng Family Code, ang mga anak sa labas ay may karapatan na humingi ng sustento mula sa kanilang mga magulang. Iyon nga lang, bago sila magkaroon ng karapatan na humingi ay dapat muna nilang patunayan ang relasyon o koneksyon nila sa taong hinihingan ng suporta.

Paano nga ba papatunayan na talagang anak siya? Uubra na kayang gamitin ang isang sulat na kumikilala ng obligasyon na magbigay ng suportang pinansyal? Ito ang tanong na sasagutin sa kaso ni Lina.

Ipinanganak si Lina noong Hulyo 1, 1999. Nakasulat sa birth certificate niya na nanay niya si Caridad. Pero hindi nakasulat ang pangalan ng tatay niyang si Berto dahil ayaw nitong pumirma. Hindi raw puwedeng lumabas ang pangalan ng lalaki dahil mabubulgar sa asawa ang lihim na relasyon nito kay Caridad. Napilitan pa tuloy magsampa ng reklamo si Caridad sa korte para mapuwersa si Berto na kilalanin ang anak at patuloy na magbigay ng sustento.

Ang tanging ebidensiya nila ay ang ginawang liham ni Berto, dalawang buwan mula nang ipanganak si Lina, kung saan nakasaad na: “Ako si Berto Sola, ay nangangako na magbibigay ng suportang pinansiyal sa halagang P4,000 para kay Lina Largo, na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng kaniyang inang si Caridad Largo. Hindi na nila kailagang hingin pa ang pera at kusang loob na ibibigay pati daragdagan pa depende sa kailangan ng bata at sa aking kita.”

Katwiran ng mag-ina ay sapat na ang sulat para patu­nayan ang relasyon ni Lina kay Berto kaya hinihiling nila sa korte na 1) utusan ang lalaki na kilalanin ang bata bilang anak niya; 2) bigyan siya ng sustento (support pendente lite) na P8,000 kada buwan at bigyan siya ng sapat na suportang pinansiyal hanggang sa tumuntong siya sa hustong gulang.

Depensa naman ni Berto ay hindi pa raw napatunayan ni Caridad na siya nga ang tatay ni Lina. Napilitan lang daw siyang gawin ang sulat dahil sa pananakot ng mga New People’s Army (NPA).

 

Pinagbigyan ng RTC ang hiling ni Lina para sa sustento base sa sulat na itinuturing nitong kasunduan o kontrata at ipinag-utos na magbigay ng P3,000 kada buwan. Pero nang kuwestiyunin ni Berto ang kakulangan ng ebidensiya ay tuluyang ibinasura ng korte ang reklamo dahil sa kawalan ng pruweba. Dagdag pa ng RTC, hindi sapat na ebidensiya ang birth certificate para patunay na anak si Lina ni Berto dahil hindi pirmado ng lalaki. Hindi rin naman daw maituturing na ebidensiya ang ginawang sulat ng pagbibigay ng sustento ni Berto dahil walang anumang ginawa ang lalaki para masabing kinilala nito ang anak pagkatapos gawin ang sulat.

Nang umapela ang mag-ina sa Court of Appeals (CA) ay binaliktad nito at isinantabi ang desisyon ng RTC. Dineklara ng CA na anak sa labas ni Berto si Lina at ipinag-utos na magbayad ng apat na libo kada kinsenas at katapusan bilang sustento. Base sa panukala ng CA, ang ginawang pagbabayad ni Berto ng gastos sa ospital pati ang pangako nito na magbibigay ng sustento kada buwan ay patunay na siya nga ang ama ni Lina. Masama lang ang hangarin nito kaya sinadyang hindi kilalanin ang anak sa sulat. Kaya dapat lang na magbayad siya ng P8,000 bilang sustento kada buwan. Tama ba ang CA?

Ayon sa Supreme Court, mali ang CA. Sa kasong ito, ang pinanghahawakan lang ni Lina ay ang sulat na ginawa ni Berto pero walang kahit anong indikasyon doon tungkol sa relasyon ni Berto kay Lina. Hindi ito maituturing na dokumento ng pagkakakilanlan ng anak alinsunod sa Art. 172(2) ng Family Code kung saan ang isang bastardong anak ay kinikilala sa pamamagitan ng anumang dokumento, pribado man o pampubliko.

Mayroong mga sinasabi o ginagawa ang isang lalaki na magagamit na ebidensiya ng pagkilala sa anak tulad na lang ng mga rekord sa panganganak, huling testamento sa pagbibigay ng mana, notaryadong salaysay sa loob o labas man ng hukuman at iba pang magagamit na ebidensiya na sa kasamaang-palad ay wala  lahat sa kasong ito.

Hindi pasok bilang katibayan alinsunod sa Art. 172(2) at Art. 175 ng Family Code ang sulat na ginawa ni Berto dahil walang kahit anong binanggit na pag-amin o pagkilala kay Lina bilang anak. Pati ang birth certificate ni Lina ay walang silbi at hindi magagamit na ebidensiya dahil hindi pirmado ni Berto. Kaya nararapat lang na ibalik ang unang desisyon ng RTC na ibinabasura ang kaso (Nepomuceno vs. Lopez, G.R. 181258, March 18, 2010).

vuukle comment

PAMILYA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with