SSS, GSIS pension iba pa sa ayuda
PAULIT-ULIT sa media ang sabi-sabi na ang pensioners ng SSS at GSIS ay hindi na dapat tumanggap ng ayuda. Galing ‘yon sa maling pananaw na ang pensiyon ay tulong ng gobyerno. Hindi gan’un ‘yon.
Ang SSS, GSIS, pati OWWA, ay mga pribadong provident funds ng mga miyembro. Ikaw, ako ang mga miyembro. Pinangangasiwaan lang sila ng gobyerno para sa atin.
Ang pensiyon ay buwanang kita ng retirees. Kinita nila ‘yon sa deka-dekadang kayod, habang naghuhulog sa SSS at GSIS.
Katiting lang ang halaga, kumpara sa dati nilang sahod. Kadalasan ay kulang pa sa buwanang gamot at iba pang gastos pangkalusugan. At lalong kapos kung ang retiree ay tumutustos ng pagkain, upa, at utilities.
Mapunta tayo sa ayuda – social amelioration fund mula sa pambansa, at cash o pagkain mula sa lokal na gobyeno. Sa Bayanihan Act ang SAF ay para sa una, 18 milyong mahihirap na pamilya, at kasunod, anim na milyong middle-class na pamilya. Binatayan ng batas na lahat sila ay natapyasan ang kita dahil sa COVID-19 pandemic at lockdowns. Ganundin ang relief mula sa city, municipal at barangay halls.
Samakatuwid, kuwalipikado ang SSS at GSIS pensioners na walang ibang inaasahan kundi ang konting pensiyon at tulong.
May pensioners na nakakaangat – nakapagsubi nang sapat, may minana, o inaalagaan ng anak. Malamang tinatanggihan nila ang ayuda o dino-donate sa dati nang kawanggawa at hikahos na kapitbahay. Iba ‘yun. Pero huwag kutyain ang lahat ng SSS at GSIS pensioners na kesyo huwag nang tumanggap pa ng ayuda.
Mabuti nang mailinaw ‘yon – pati sa SSS at GSIS managers.
Siyanga pala, ang ayuda ay hindi tulong mula sa gobyerno. Buwis ‘yon na ibinayad natin – isinosoli lang sa pinaka-nangangailangan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ(882-AM).
- Latest