^

PSN Opinyon

Mga bata mas delikado sa maruming hangin

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

MAHALAGANG paalala ito sa Niños Inocentes bukas: ang mga musmos ay mas apektado ng maruming hangin. Kaya alagaan sila.

Nobyembre 1 nagdeklara sa Delhi, India, ng “public health emergency”. Milyong face masks ang ipinamahagi sa mga paaralan. Isinara ang mga ito nang isang linggo. Dahil sa tindi ng polusyon, anang chief minister, parang gas chamber na umano ang state. Napapa-limit ang mga gan’ung pahayag. Sa Thailand at Malaysia, Mexico at America nitong mga nakalipas na taon, nagsara rin ang mga lungsod dahil sa smog. Nu’ng Setyembre, hindi nakapasok ang mag-aaral sa Cebu at Palawan, pati sa Singapore, dahil sa kapal ng usok ng mga sinusunog na gubat sa Sarawak, Indonesia. Naaalala ko ang paiyak na kuwento ng anak ng Pilipino exec sa Shanghai nu’ng nagkulay kalawang ang paligid sa polusyon: “Ang maruming tubig puwedeng hindi mo inumin, ang maruming hangin ay hindi mo maiwasang singhutin pa rin.”

Sa mundo 90% ng mga bata, edad 15-pababa, ay nasi­­sira ang kalusugan dahil sa nalalanghap, anang World Health Organization. Mas malapit sila sa sakit kasi bumu­buo pa lang ang mga baga. At dahil mas malimit silang huminga, mas maraming nalalanghap na particulates batay sa body weight. Nabatid sa pananaliksik sa Britain na, sa mga araw na may pasok, 30% mas maraming dumi na nala­lang­hap ang mga bata kaysa mga matatandang taga-hatid-sundo, dahil mas mababa sila kaya mas malapit sa mga tambutso. Asthma ang isa sa pinaka-malimit na sakit nila, kasi kalimitan ang mga paaralan ay nasa tabi ng kalye, anang The Economist.

Namemeligro rin ang utak ng mga bata. Apektado ang pagtuto at katinuan. Nalinang sa saliksik nu’ng 2014 na pinapupurol ng polusyon ang Israeli pupils sa exams. Saliksik din sa maruming Cincinnati, Ohio, na maraming psychiatric cases ng mga bata na nais magpakamatay. Nabatid ng Sustrans, NGO na naglalayon ng bawas-gamit ng kotse, na nagkaka-anxiety attacks ang mga bata dahil sa takot sa polusyon.

vuukle comment

HANGIN

NIñOS INOCENTES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with