Death wish
KAHIT gaano mo kinaiinisan ang isang tao, ang paghahangad na siya ay maglaho na sa balat ng lupa ay ang pinaka-walang modong pagpapahayag ng galit. To say the least, it is unchristian.
Napakarami kong bagay na hindi gusto kay Presidente Duterte ngunit ni minsan, hindi ko hinangad ang kanyang kapahamakan.
Ayaw ko sa extra-judicial killings, ayaw ko sa kanyang pagmumura at yung mga pahayag at galaw niyang may sexual undertones, ngunit bilang isang mamamahayag, hanggang pagbatikos lang ang ginagawa ko sa pag-asang mabasa niya ang saloobin ng isang mamamahayag at ikonsidera niya ang pagbabago ng kanyang masamang gawi. Maaaring sabihin ninyong “suntok sa buwan” pero bawat tao ay may kalayaang maghayag ng damdamin, ikaw man ay media personality o karaniwang tao. Oo, kahit ang pagpapahayag ng “death wish” ay malaya nating gawin pero ito’y masamang repleksyon ng ating kultura. Ang sinabi ni Communist Party leader Jose Ma. Sison na ang Pangulo ay nasa “coma” ay karapatan niyang sabihin kahit kasinungalingan pero ipinakikita nito ang pagkaaba ng kanyang pagkatao.
Nakalulungkot na maraming netizens ang sumakay sa isyu kung magbabasa tayo ng mga komento sa social media. May mga nagsabi pa na “sana hindi coma kundi period.”
Sana naman, ipakita nating mga Pilipino na tayo ay mga taong may mataas na antas ng kultura at hindi mukhang isinilang sa mabahong imburnal.
Kung ikaw ay namumuno sa isang malaking organisasyon gaya ng CPP gaya ni Sison na nagtapos pa sa University of the Philippines, dapat ipakita na siya ay isang edukadong tao.
Bilang mga Kristiyano, higit na tumpak at wasto ng ipanalangin nating matuwid ang pamamahala sa bansa ng Pangulo.
- Latest