Sinundo ng Diyos

Patay na ang hari – ang haring mabait

Kanyang kaharian bansa ng pag-ibig;

Diyos nang malungkot

ay Kanyang naisip –

Sunduin ang hari’t isama sa langit!

Namatay na hari’y Hari ng Komedya

At pati ng Diyos ay napatatawa;

Kaya sila ngayo’y laging magkasama

Sakay ng karwaheng

angels ang may hila!

Halos araw-araw sila’y namamasyal

Ang mga buntala laging minamasdan;

Ang daigdig nating maganda ang kulay

Ay alaga nila’t laging tinitingnan!

Rodolfo Vera Quizon ang ngalan ng hari

Siya ay marunong mabuting ugali

Siya’y matulungin walang inaapi

Nang kunin ng Diyos lumuha’y marami!

At dahil sa siya ay mabuting tao

Niloob ng Diyos na isama ito;

Ano’ng dapat gawin sa taong ganito

Na walang papalit sa sariling mundo?

Marahil kung hindi umalis si Dolphy

Diyos na marunong ay hindi rin happy;

Tumpak lang sigurong

sila’y magkatabi

Upang sa daigdig

magrendang mabuti!

Wala na nga siya sa ating daigdig

Kapiling ng Diyos na Hari ng Langit;

Ngayong dalwang hari’y laging magkadikit

Itong Pilipinas magiging tahimik!

At tayong naiwang alagad ng hari

Di dapat malungkot

huwag mamighati;

Alaala niya ay narito lagi

Sa puso’t isipan ng magkakalahi!

Wala nang iba pang papalit sa kanya

Sapagka’t si Dolphy napakadakila;

Ngayong wala siya’y lalong tamang-tama

National Artist Award sana’y ibigay na!

Ibigay at hindi’y masaya si Dolphy

Pagka’t kapiling siya ng Diyos na kay buti;

Ang mga biyaya saka luwalhati –

Sa kanya nang lahat – siya’y very happy!

Show comments